Iba pang "budget insertion" ibinuko na rin ni Lacson kontra kay Villar

Iba pang budget insertion ibinuko na rin ni Lacson
http://www.philstar.com/article.aspx?articleid=400847
(Pilipino Star Ngayon) Updated September 16, 2008 12:00 AM

Hindi lamang ang P200 milyong budget insertion ang tinumbok kahapon ni Lacson, kundi maging ang iba pang “budget insertion” na ginawa sa Senado.

Natuklasan umano ni Lacson sa page 564 ng 2008 General Appropriations Act sa ilalim ng budget ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang paglalaan ng budget para sa widening ng Governor’s Drive (Carmona-Dasmariñas-Trece Martires City Road including bridges) na nilaanan ng P50 milyon, pero sa page 646 ng nasabi ring budget book naglaan na naman ng panibagong P50 milyon sa kapareho pa ring proyekto.

Sinabi pa ni Lacson na sa pitong taon niya bilang mambabatas, ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng dalawang bersiyon ng iisang House bill, ang House Bill 2454 na isang kaso rin ng double entry.

Sa nasabing HB 2454 na tinawag ni Lacson na Red Version, nakapaloob ang locally funded projects ng DPWH na nagkakahalaga ng P52,648,923.000. Pero sa black version umano ng nasabi ring HB 2454 ang pondo ay naging P65,461,538,000, kung saan lumobo ito ng P13 bilyon.

Tahasang ikinumpara naman ni Sen. Joker Arroyo si Lacson sa isang security guard na natutulog sa kanyang trabaho kaya nalusutan nang nadiskubre nitong P200 milyong budget insertion.

Sinabi ni Arroyo na katulad ng isang security guard na natutulog sa trabaho, nagrereklamo si Lacson matapos magising at matuklasan na nanakawan na siya.

Kung isang pulis umano si Lacson, posibleng na­tanggal na ito sa trabaho dahil hindi agad nakita ang sinasabing lumusot na ‘budget’.

Ginawa ni Arroyo ang reaksiyon matapos mag privilege speech si Lacson tungkol sa mga budget insertion na natuklasan niya sa 2008 national budget.

Pinaninindigan ng ilang senador na walang masama sa ‘budget insertion’ dahil dito napopondohan ang ilan sa kanilang mga proyekto.

Pagkatapos ng tatlong beses na suspensiyon, nauwi rin sa adjournment ang sesyon ng Senado na mag­kakabalik ngayong araw sa ganap na alas-3 ng hapon. Inaasahan na muling mauungkat ang hindi natapos na isyu sa budget insertion kung saan nakakaladkad ang pangalan ni Senate President Manuel Villar. (Malou Escudero)

The ProPinoy Project