Transcript of interview with Villar on C5 expose

Transcript of interview with Sen. Manny Villar

Q: May twelve signatures na ang Committee of the Whole on the ethics case against you.

Villar: Hindi naman ako nagugulat doon dahil talaga namang inaasahan na natin na ganoon ang mangyayari. Kaya nga noong una pa lamang, hindi na sumali ang Minorya dito sa committee hearings na ito dahil sa talagang inaasahan naming na tapos na, meron nang konklusyon. Kapag tiningnan mo ang mga bumoto ng laban sa akin, sila ang mga miyembro ng Liberal Party, Pwersa ng Masa na mga kalaban naman natin sa pulitika, sa pagkapangulo at mga dating pangulo sa pagkapangulo. Maliwanag naman talaga na bias lahat pero nililiwanag ko lang na malaking kasinungalingan ang lahat ng iyan. Hindi ko nga alam kung saang panaginip nakuha iyong P6 billion, P200 million lang dati iyon. Subalit nasagot ko nang isa-isa iyan. Nasa internet na lahat iyan, may website tayo, dini-distribute ko lahat ng sagot namin dito sa C-5. Ang C-5 ay isang napakagandang proyekto, 6 milyon na Pilipino ang directly nakikinabang diyan sa Las Pinas, Paranaque, Cavite. Napakagandang proyekto iyan, finally natapos na yung pinakahuling parte ng C-5. Pinagmamalaki nating project iyan. Bagaman hindi totoo na akin lamang ang project na iyan dahil sa talagang iyan ay DPWH. Kaya yung kine-claim na sa atin lang iyan, gusto ko mang angkinin iyan ay hindi pwede, sa DPWH iyan. Pangalawa, double insertion, pauli-ulit naman ito. Nasagot ko na lahat ito, walang double insertion. Mismong ang Senate president ang nagsabi na hindi puwede. Mismong si Yolly Doblon ng LBRMO ang witness na sinubpoena nila, nagsabi na walang double insertion. Kaya nagtataka ako kung bakit nang lumabas ang report ay hindi nabanggit iyon. Ang nakakapagtaka, lahat ng witness na sila ang nag-imbita, wala kami doon, ang abugado nila ang nagtatanong, silang dalawa lang ng abugado ang nag-uusap doon. Subalit lahat ng witness na pinatawag nila, wala ni isa ang nagsabi na ako ay may kasalanan. Si Mrs. Lala ng DPWH, sinabi na walang realignment, definite. Si Mrs. Bacod, sinabi definitely na walang overprice. At tinanong siya kung papagawin siya ng report, iyon uli ang report na gagawin, ang sabi niya oo. Walang realignment sabi ng DPWH, walang overprice sabi ni Mrs. Bacod, walang double insertion, ag sabi ni Yolly Doblon. Nagsabi ng totoo ang lahat na wala akong kasalanan. Kaya nagulat kami na biglang may kasalanan na ako ngayon at nag-imbento pa ng halaga. Kaya maliwanag naman ito, pulitika lang ito. Nakahanda akong sagutin ang lahat ng katanungan, sinasabi nila na ayaw ko sumagot. Pagod na pagod na ako sa kasasagot. Nagpainterbyu na nga ako sa artista para mapanood lang ang aking sagot sa C-5. Panay na ang pa-interview ko, sa internet, handouts, dinala ko lahat ng media sa C-5. Ipinakita ko ang dalawang daan.

Q: Ipinapasoli ang P6 billion…

Villar: Yung pinapasoli, nakakatawa. Unang-una, may penalty ba na ganoon? Wala akong alam na penalty na ganun sa Ethics. Yung pagsoli, hindi ko alam kung saan naimbento iyan. Anyway, kapag pinapasoli, parang sinasabi na walang silbi ang C-5. Palagay ko baka taga-Forbes Park ang nagsabi nun kasi ang C-5 ay napakahalaga. 6 milyon na mga kababayan namin ang makikinabang directly sa Las Pinas, Paranaque, Cavite. Napakahalaga sa amin na matapos ito. Grabe ang trapik. Kaya masayang-masaya ang lahat kapag ito ay kumpletong magagamit. Kaya yung isosoli, para mong sinabing ang C-5 ay nasayang. Pangalawa, ano ba iyang P6 bilyon na iyan, hanggang ngayon hindi ko maisip kung saan nanggaling iyon. Baka kako ang gumawa noon ay mana ang iniisip kaya napalaki.

Q: Gumastos ba ang government nang ganun kalaki?

Villar: Napakalayo ng halaga na iyan sa nagastos ng gobyerno. At saka ang pangyayari, pinapaghalo ang toll road sa C-5. Ang C-5, maski pa mula UP ay walang bayad iyan. Ang toll road, may bayad. Ang toll road ay tuloy pa rin, hindi sayang iyon. Hindi pa lamang natatapos dahil iyan ay isang pribadong transaksyon. Kaya yung right of way na kinuha ko noon hindi nasasayang iyan at hindi naman nila binayaran yun kaya walang ibabalik. Yung TRB nga hindi pa rin kami binayaran, okay lang iyon. Kaya ano ang ibabalik mo, hindi naman sila nagbabayad?

Q: Parang ang gusto nila ay sa plenary mo sagutin.

Villar: Wala pa ang report. Pero ang totoo niyan, 20 hearings na, 5 TWG (technical working group), pwera pa yung privilege speeches, sobrang dami na. Dalawang taon na akong binibira dito, pagod na pagod na ko nang kasasagot. Alam naman natin na ang gusto lamang nilang mangyari ay dahil eleksyon ngayon at ang survey ay ginagawa ngayon kaya gusto nilang palabasin ngayon ito. Kaya inuulit ko sa lahat na handa akong sagutin. Sa lahat po nang nagsasabi na hindi ko kayang sagutin ito, lahat po kaya kong sagutin.

Q: Duwag daw kayo sabi ni JPE.

Villar: Palagay ko ang pagtakbo sa pagkapresidente ay nangangailangan ng katapangan dahil sa dami ng problemang haharapin. At kapag tiningnan mo ang aking buhay, makikita mo naman na hindi tayo duwag na tao. Tayo ay pinanganak sa Tondo bagaman tayo ay mahirap ay hindi tayo natatakot kaninuman. Kaya lamang hindi ako palaaway dahil nasanay na ako na ako ay nagtatrabaho, wala naman akong minana.

Q: Magpi-privilege speech kayo?

Villar: Yes, definitely at the right time. Hindi ko muna alam kung ngayon o sa darating na panahon. Subalit definitely kapag may report na, sasagutin ko iyan. Unang-una nais ko lang i-correct ang impresyon na hindi ako sumasagot. Nandoon kayo nung sumagot ako, sinagot ko lahat ng tanong. Akala lang kasi nila ay napakahaba ng sagot, maikli lang ang sagot. Simple lang kasi ito. Ito ay makakatulong sa bayan. Ang proyektong ito ay napakahalaga sa bayan. Ito ang kailangan natin.

Q: How do you feel na si Sen. Pangilinan ay pumirma din?

Villar: Masakit din iyon bilang isang kaibigan. Kahit paano ay masakit din. Kaya lang syempre, sumusunod siya sa Liberal Party, iyon ang posisyon ng LP kaya walang magagawa.

Q: Nag-usap ba kayo after that?

Villar: Hindi pa. Pero ganyan talaga iyan kapag eleksyon na, syempre naglilinyahan na ang mga tao. At nakita ko na lahat sa kabila ay sama-sama sa C-5, dito sa kabila, ako lang ang kandidato for president.

Q: Magkaibigan pa rin kayo?

Villar: Oo naman. Bagaman syempre kapag kaibigan, mas masakit iyon.

Q: Bakit po wala kayo kahapon?

Villar: Na-late ako, nag-adjourn na.

Q: May impression na may attempt na ma-oust si SP Enrile para ma-prevent ang pagtalakay sa report?

Villar: Wala naman. Mali naman iyon. Itong committee hearings na ito, kahit hindi kami nag-participate dito ay tapos na itong konklusyon na ito noon pa. Alam na namin ito.

Q: The insinuation that the attempt came from your camp…

Villar: Mali naman iyon. Alam mo kapag malapit nang mag-adjourn napakarami nang coup. Kapag nagsisimula na ang sesyon, may mga rumored na coup. Normal na normal iyan. Ako bilang dating pangulo ng Senado at Speaker of the House, normal iyan.

Q: Magpa-file daw ng plunder case…

Villar: Wala akong kaproble-problema diyan sa plunder case. Malaking kasinungalingan iyon at maliwanag na iyan ay publicity lamang.

Q: Malaking dagok ba ito sa kampanya ninyo especially because tumataas kayo sa survey?

Villar: Hindi naman. Hindi ako nababahala dito, nalalaman ng tao na may crab mentality ang mga Pilipino, kung sino ang nagtatrabaho, siya ang sinisiraan. Sa palagay ko, gusto lamang pagtakpan ng mga naninira sa akin na walang silang nagawa sa kanilang mga lupa. Yung iba kahit barangay road, walang naitayo.

The ProPinoy Project