Maysala ba si Manny Villar?

Maysala ba si Manny Villar?

ni Solita Collas-Monsod
Philippine Daily Inquirer

01/30/2010

Walang nangyari sa balak ng Senado na sampahan ng kaso si Senador Manny Villar.  Pero heto ang katotohanan.  Nakasulat din kung saan ko nakuha ang impormasyon.

  • Tanong:  Alin ba ang mga kalyeng sangkot sa isyung C5/Villar?

Sagot:

  1. Manila Cavite Toll Expressway Project (MCTEP), ang orihinal na C-5 south extension project, nagdurugtong ng SLEX sa Coastal Road;
  2. DPWH C-5 Extension project (CX-5), na kasama ng
  3. Las Piñas-Parañaque Link Project (LPPLP), ay nagdurugtong sa SLEX at Coastal Road. 

    Source: Senate Report (SR) 780.

  • Tanong: Nagkaroon ba ng dobleng pagsingil sa CX-5/LPPLP na proyekto, gaya ng sabi ni Senador Jamby Madrigal, o  wala namang pagdodoble, gaya naman ng sabi ng mga kakampi ni Senador Villar?

    Sagot: Sa totoo lang, wala namang dobleng pagsingil.  Dalawa ang kalyeng nagdurugtong sa C-5 at SLEX sa Coastal Road. Pero masyadong dikit sa isa’t isa ang dalawang kalye, at sa ilang lugar ay nagiging isang kalye lang sila.  Makikita ito sa mapa.

    Source: may mapa sa
    www.gmanews.tvhttp://www.gmanews.tv/story/182541/the-c5-extension-controversy-an-interactive-map

  • Tanong: May pagkakaiba ba ang MCTEP at CX-5/LPPLP?

    Sagot:  Oo.

  1. Ang MCTEP ay proyektong dalawa ang nagpondo – ang ating gobyerno at isang pribadong kompanya sa Malaysia.  Ang gobyerno natin ang nagbayad ng P2.68 bilyon sa mga naapektuhan ng konstruktyon ng daan.  Ang taga-Malaysia ang gumawa ng daan.  Pag tapos na talaga ang daan, sisingil ng toll ang mga taga-Malaysia.  Ang CX-5/LPPLP ay hindi naniningil ng toll, dahil ang gobyerno natin lamang ang gumastos sa paggawa nito.  Aabot sa P6.96 billion ang ginastos ng gobyerno dito.
  2. Mas mahaba ang CX-5/LPPLP sa MCTEP, dahil kasama dito ang LPPLP;
  3. Dumadaan sa mas maraming lupang pag-aari ni Villar ang CX-5/LPPLP kaysa sa MCTEP.

    Source: DPWH Exhibits A, B at TTTT sa SR 780; mapa mula sa www.gmanews.tv.

  • Tanong: Gaano kalaki ang mga lupang pag-aari ni Villar sa tabi ng dalawang kalyeng ugnay sa isyu?

Sagot: Higit pa sa 50-52 hektarya: 40 hektarya sa paligig ng LPPLP; 10-12 hektarya sa gitna ng Sucat Road at Multinational Avenue.

Source: testimonya ni Anastacio Adriano Jr., senior vice president and general manager, chief operating officer ng Adelfa Properties Inc. and iba pang kompanyang pag-aari ni Villar hanggang 2008; konsultant at political officer ni Senator Villar mula Agosto 2008. Pansinin: wala ang pangalan niya sa listahan ng mga empleyado ng Senado.

Pansinin: hindi malinaw kung kasama sa 50-52 hektaryang binanggit ang mga lupang nasa SR 780 — na aabot sa 10 hektarya ang laki — na idedevelop pa ng mga kompanya ni Villar sa pakikipagtulungan sa mga may-ari ng lupa.

  • Tanong: Ano ang papel ni sa CX-5 at LPPLP?

    Sagot:

  1. Ito ang nakalagay sa Project Feasibility Study ng DPWH para sa CX-5: “The conceptualization of and the initial release of funds for the CX-5 Project was initiated by Sen. Manuel Villar whose same efforts also paved the way for the funding of the Las Piñas-Parañaque Link Road [LPPLP]”; [Ang nagsimula ng proyektong CX-5 ay si Senador Manuel Villar, at siya rin ang nagpumilit na pondohan ang LPPLP.]
  2. Iba’t ibang singit (insertions) at dagdag (amendments) (Priority Development Assistance Fund, o ang tinatawag na pork barrel) sa budget ng gobyerno sa mga taong 2002-2008 para sa CX-5 at LPPLP;
  3. Adriano (nabanggit na), sa opisina at sa harap mismo ni Villar, sinasabi sa director general ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) ng Senado ang gustong idagdag ni Villar sa budget noong 2008, kasama ang halagang P400 milyon para sa CX-5.

Source: dokumento ng DPWH, Atty. Yolanda Doblon ng LBRMO, testimonya nina Doblon at Adriano, ayon sa SR 780.

  • Tanong: Sobra ba ang singil ni Villar para payagang dumaan ang mga kalye sa kanyang lupa?

    Sagot: Iyan ang sabi ng SR 780.  Ayon naman sa PSR 1472 (ang resolusyong pinirmahan ni Villar at ng mga kakampi niya sa Senado, na nagsasabing walang kasalanan si Villar), hindi sobra ang singil.  Mamamayan na ang magpapasya kung sino sa kanila ang tama at sino ang nagsisinungaling.

    Para matulungan kayong magpasya, nagkuwenta ako.  Binase ko ang aking pagkuwenta sa mga presyo at laki ng mga lupang pag-aari ni Villar na binili ng LPPLP.  Kinuwenta ko kung magkano ba talaga ang binayad kay Villar at magkano ang binayad sa ibang may-ari ng lupa na dinaanan na mga proyekto.

Heto ang totoo: P168.1 milyon ang binayad ng gobyerno para sa lupa ni Villar, na 23,455 square meters.  P22 milyon ang binayad sa mga lupang hindi si Villar ang may-ari; ang suma total ng mga lupang ito ay 11,685 square meters. Samakatwid, sa bawat square meter ng lupa ni Villar, ang binayad ng gobyerno ay P7,168, pero sa bawat square meter ng lupa na iba ang may-ari, ang binayad ng gobyerno ay P1,880 lamang. Malaki masyado ang pagkakaiba.

Kung titingnan natin ang totoo – at wala namang kokontra sa mga ito dahil ayon ito sa mga opisyal na dokumento at hindi sabi-sabi lang ng kung sino-sino – ganito ang malinaw:

1. Dahil mayroon namang kalye (MCTEP) na nagdurugtong sa C-5 at Coastal Road, hindi na kailangan pang gumawa ng isa pang kalye.

2.  Ang ibig sabihin ito ay sinayang lang ng gobyerno ang pera natin na kulang na nga. Sa halip na gumastos lamang ng P2.6 bilyon ang gobyerno para sa unang proyekto, napilitan pa ang gobyerno na gumastos ng dagdag na P6.9 bilyon para sa ikalawang proyekto, na pareho rin naman ng unang proyekto, maliban sa idinagdag na haba ng kalye na dumaraan sa lupa ni Senador Villar.  Dahil dumaan sa lupa niya, binayaran siya ng gobyerno para bilhin ang bahaging tinamaan ng kalye.

3.  Si Villar mismo ang nakaisip ng idagdag ang sobra at sayang na proyektong ito.  Kunwari lang na DPWH na proyekto ito, dahil ayon mismo sa feasibility study ng DPWH (at nakasulat ito sa opisyal na dokumento), si Villar mismo ang nakaisip na gawin ang CX-5 at ang LPPLP, at siya pa nga ang nagpondo sa mga ito sa simula.

4.  Nakinabang nang husto si Villar sa ikalawang proyekto. Malinaw na sobra ang binayad sa mga kompanya niya sa bawat square meter  para magawa ang daan (at ang lupang ito ay sa sarili rin naman niya binili). Pero bale wala ito kung iisipin natin na lumaki nang husto ang presyo ng kanyang lupa sa paligid ng mga kalyeng ito (dahil madali nang magpunta doon, di tulad noong araw).  Higit pa sa 50-52 hektarya na pag-aari niya ang tumaas ang presyo dahil sa paggawa ng dalawang kalye.

Maysala ba o wala si Villar? Maalat ba ang patis o hindi?

The ProPinoy Project