Transcript of BSAIII's speech at the meeting of the Liberal Party's National Executive Council

Transcript of Sen. Benigno S. “Noynoy” Aquino III’s speech at the meeting of the Liberal Party’s National Executive Council, November 16, 2009, Balay, Expo Centro, Cubao, Quezon City

Transcript of Speech at the Meeting of the Liberal Party’s National Executive Council

Nais ko pong pasalamatan ang aking mga kapwa Liberal dahil sa inyong pagsuporta sa amin ni Mar. Tinuturing ko pong isang napakalaking karangalan ang inyong mainit na pagtanggap sa amin ng akin pong partner. At siguro po, talagang napakasarap marinig ang inyong suporta dahil ito po ay nanggagaling sa mga Liberal, na noon at ngayon, talaga naman pong marangal.

Sa panahon ng kampanyahan at eleksyon, mayroon po kayang hihigit pa sa ipinakita sa ating halimbawa ni Mar Roxas, na kayang-kayang isantabi ang personal na ambisyon para sa ikabubuti ng nakakarami; patunay na nagsisilbi sa nakakarami, parati.

Sana po ikinararangal na rin po natin, lalo na po ng ating bagong mga kasama, na sa pagiging bahagi ng Partido Liberal, mula ng ito ay binuo ni Pangulong Manuel Roxas noong 1946, marami na po tayong pinagdaanan. Marami na rin tayong tagumpay na nakamit. Ang mga karanasang ito ang nagpatibay ng ating pundasyon at paninindigang labanan ang anumang hadlang sa ating kalayaan.

Sa darating na halalan, masusubukan ng lubusan ang pundasyon ng Partido Liberal. Maaga pa lamang ay naglalabasan na ang mga batikos na kathang isip lang naman ng atin pong mga kalaban. Maaga pa lang ay mabusisi na ang mga plano nila sa kanilang mga paninira. Hindi nila maiangat ang kanilang mga sarili; ang solusyon, ipababa ang kanilang mga katunggali.

Ang pwersa ng Partido Liberal ay hindi matatalo ng anumang kasinungalingan. Ang pwersa na binubuo ng magigiting, masisipag at matatapat na pinuno ay hindi basta na lamang mabubuwag ng sinumang animo’y tapat na naglilingkod sa bayan ngunit gahaman naman pala talaga. Lalabanan natin ang kasinungalingan sa pamamagitan ng ating pananalig sa katotohanan.

Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa. Itong mga kalaban natin, gumawa ng isang survey, gumawa ng isang kuwentong kutsero. Awa ng Diyos sila na rin po ang sumira sa kanilang kuwentong kutsero. Sabi po nila bumababa na raw ang ating lamang. Ang masakit nito, sa unang survey nilang ginawa sa isang organisasyon, hindi tayo nilagay, wala tayo sa listahan. Sa pangalawang listahan nilang ginawa, susunod na buwan, inilagay tayo sa gitna para kunyari ay talagang nag-survey sila. Nu’ng pangatlong survey nila nangibabaw na tayo, ang headline nilang inilabas, bumababa na raw ang lamang natin.

Nu’ng ako po’y nag-aaral, kapag ikaw ay nasa gitna, panlima o pang-apat, hindi ka nangunguna. Kung ikaw naman ay nanguna sa susunod, ang ibig sabihin nu’n, umangat ka, hindi ka bumaba. Kaya maraming salamat sa inyo, sinabi na nila ang katotohanan.

Aaminin ko po sa inyo, naaawa ako sa kanila. Dahil kapag nagsinungaling ka, kailangan mo ng pangalawa para suportahan ang una. Pangatlo para suportahan ang pangalawang kasinungalingan. At ang haba-haba na po ng kanilang pagsisinungaling, pati sila nahilo na. Dahil mahal po natin lahat, pati na rin sila: Sa panahong handa na silang bumalik sa landas ng tama, yayakapin po natin, dahil sila po ay Pilipinong naligaw lamang.

Talagang hindi natin matatapatan ang yaman ng ating mga katunggali. Kapag tinanong, anong kakayahan mo? “Mayaman ako,” ang sagot niya. Pero tayo naman po ay nananalig sa isang Diyos na nagsasabing gawin natin ang tama; ang kakulangan natin, Siya na po ang magpupuno.

Mula ngayon, hanggang sa araw ng eleksyon, lalo na pagkatapos nating nahalal na, importante pong tayo lalo ay magtulungan, magpakatatag, magkasunduan, para naman mapairal natin ang tunay na diwa ng demokrasya—na nagkakaloob ng kalayaan, pagkain, serbisyong pangkalusugan, edukasyon, trabaho, at lalung-lalo na, pantay-pantay na pagkakataon para sa lahat, at hindi sa iisa o iilan lamang.

Panahon na upang bigyang katuparan ang pagbabago sa tulong ng bawat isa. Ang laban na tapat ay magiging laban ng lahat. Maraming, maraming salamat po.

[Archived from the official campaign web site of President Benigno S. “Noynoy” Aquino III]

The ProPinoy Project