explosion

President Aquino’s statement on the EDSA bus blast (in Filipino)

Pahayag ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas

Ukol sa pagsabog ng bus sa EDSA-Buendia noong ika-25 ng Enero, 2011

[Inihayag sa Briefing Room ng New Executive Building, Malacañan Palace noong ika-25 ng Enero, 2011; 17:11 hrs. EST]

Unang-una po, gusto naming ipabatid na nakikiramay po kami sa mga namatay dito po sa trahedya—sa pagsabog ng isang bus sa EDSA—at doon na rin po sa mga nasugatan.

Sa kasalukuyan po, inatasan na natin at kumikilos na ang lahat ng ahensya ng gobyerno para, unang-una, bigyan ng pag-aaruga itong mga nasaktan, at iyong imbestigasyon dito sa pagsabog na ito. Nandoon na po ang ating kapulisan, nakipagtulungan po ang local government unit natin sa Makati, pati na rin po ang MMDA, ‘yung ating intelligence services na talagang sa kasalukuyan ay tumututok na para malutas itong krimen na ito.

Makakasiguro po ang lahat na sa di-magtatagal na panahon, tulad ng ibang mga insidente, tulad ng bombing noong bar exams, magkakaroon ng kalutasan po itong sitwasyon na ito. Nakatututok po ang lahat ng ahensya ng pamahalaan para masigurado ang kaligtasan ng lahat.

Tungo po doon, inatasan natin ang PNP at ang ating AFP at intelligence services na magreview ulit ng mga tinatawag na threat assessment, with the end in view of hardening all of the areas that are considered under threat. Mayroon na rin pong mga ibang ginagawa sa kasalukuyan at matagal nang ginagawa, tulad ng pag-iimbentaryo ng mga kasangkapan ng AFP at ng PNP, lalo na po sa mga insidente na kung saan nagkaroon ng mga paggamit diumano ng C4. Hinihigpitan natin ang tinatawag na pag-aaruga nitong mga consumables para sigurado tayong walang mawawala sa diretsuhang control ng ating Sandatahang Lakas.

Uulitin ko lang po, at ito nga ho ay gusto kong ipahatid sa ating mga kababayan: Talaga pong hindi titigil ang inyong pamahalaan na mahanap itong mga taong gumawa ng karumal-dumal na krimen na ito, na talaga naman pong hindi nakatutok sa isang tao o isang grupo, eh, talagang pananakot lang po sa buong sambayanan. Hindi natin pababayaan na magpatuloy ito, ang ganitong sitwasyon na may agam-agam ang atin pong mga kababayan sa Pilipinas.

Source: Official Gazette